Tuesday, January 3, 2012

ANG BAYANIHAN SA ORAS NG KAGIPITAN - Huling Bahagi

A scene during Typhoon SENDONG
Kung naglipana ang mga magnanakaw sa Provident Village noong hagupitin ni ONDOY ang Marikina, kabalintuna namang walang lumabas na ganitong ulat sa mga pahayagan, radyo at telebisyon tungkol sa pananamantala sa mga biktima ni SENDONG sa mga lungsod ng Cagayan de Oro, Iligan at Dumaguete. Kahit na higit ang pananalasang sumaklot sa mga nasabing lugar, sadyang kapuri-puri ang katotohanang iginalang ng mga balakyot ang dusa't hirap na iniinda ng mga nasalanta ni SENDONG.

Magkagayon man, nangingibabaw ang namumukod tanging katangian ng mga Pilipinong maipagmamalaki sa buong mundo ang walang kapantay na bayanihan na umiiral sa oras ng sakuna at kagipitan. Ang katotohanang iyan ang nagligtas sa aming mag-asawa mula sa tiyak na kamatayan nang ang apartment aming tirahan sa Provident Village ay daluhungin ng rumaragasang dalawampung talampakang baha. Sa tulong ng aming mga kapitbahay, inilikas kami sa bahay na may tatlong palapag ng isa pang kapitbahay.

Subali't komo ang Provident Village ay tirahan ng maraming mayayaman, ni anino ng mga pinuno ng pamahalaang lokal ay di namin nakita upang tingnan ang aming kalagayan. Kahit ang mga tulong na pagkain at damit mula sa pamahalaan at mga pribadong samahang nagkakawanggawa ay hindi nakarating sa aming lugar sa St. Mary Avenue. Mabuti na lang na kasapi ang aking asawa sa dalawang samahan sa dati naming parokyang Katoliko sa Cubao, Marami sa mga kasamahan niya ang nagbigay ng mga damit at pera upang magamit sa aming pagbangon sa masaklap na kalagayang dulot ni ONDOY.
Masasabi ko na rin na mapalad ang mga biktima ni SENDONG pagka't lalong malawak ang bayanihang umiiral sa ating mga kababayang kusang nagbigay tulong na pera o pumunta sa mga nasalantang lugar upang tumulong sa pamamahagi ng pagkain, damit at iba pa sa mga biktima. Sapagka't ang pamahalaan ni Pangulong Aquino ay lubos na pinagkakatiwalaan ng maraming bansa sa daigdig, dumagsa ang mga tulong na salapi, pagkain at kagamitan dito sa ating bansa. Sadyang bukas-loob ang ibang mga bansa sa pagtulong sa ating pamahalaan upang maibalik sa kaayusan ang mga lugar na sinalanta ni SENDONG.  

Kabalintuna ng panahon ng dating Pangulong Arroyo na ang mga tulong mula sa ibang bansa para sa mga biktima ng mga sakuna  ay ginamit sa pansariling kapakanan ng mga tiwaling pinuno at tauhan ng kanyang pamahalaan.  Sa panghuling paglalahad ng mga pangyayari, kailan man ay di mapaglalaho ng panahon ang kapuri-puring katangian nating mga Pilipino, ang BAYANIHAN SA ORAS NG KAGIPITAN.

0 comments:

Post a Comment