Sunday, January 8, 2012

BAGONG TAON, LUMANG UGALI?!!!

Imahe mula sa The EQualizer Post
Sa mga araw bago sumapit ang pinakahihintay na Bagong Taon ng halos lahat ng mga nilalang sa buong santinakpan, palasak na tampok ng mga usapan at lathalain sa radyo, telebisyon, pahayagan at magasin kung anong mga pagbabago ang gagawin ng isang tao sa pagsapit ng Bagong Taon. Ito ang paborito ng balana sa wikang Ingles na "New Year's Resolution" at walang sinumang mangangalandakang hindi niya kailangan ito. Wika nga sa isa pang kasabihang Ingles: "Nobody's perfect"! kaya lahat ay may "New Year's Resolution" nakatatak sa isipan o nakatitik sa papel, lalo na sa mga estudyante.

Sumasagi nga sa isip ko ang panahon ng aking pag-aaral sa hayskul at kolehiyo na sa araling Ingles at Pilipino, ay hindi kailan man nakakalimutan ng mga guro o propesor na pagawin ang mga estudyante ng "essay" o sanaysay ng kanilang "New Year's Resolution. Naturalmente, pilit hinahalukay ang laman ng utak upang makasulat ng sanaysay na papasa sa panlasa ng gurong magbibigay ng angkop na grado. Subali't sa ngayon ay di ko alam kung uso pa ring pasulatin ang mga estudyante ng kanilang "New Year's Resolutions".


Magkagayon man, masasabing usong-uso pa rin sa panahong ito ang magkaroon ng "New Year's Resolution". Ang karaniwang layunin sa paggawa ng balaking ito ay pagbabago ng isang pag-uugali o pananaw sa buhay upang higit na maging matagumpay ang adhikaing pinili at tinatahak. Datapwa't, isang katotohanang nagdudumilat sa lumipas na ilang dekada na ang "New Year's Resolution" ay bulaklak lang ng dila at di tinutupad sa paglipas ng mga araw. Kung baga, sa halip na Bagong Taon, Bagong Tao, ang kadalas nangyayari ay Bagong Taon, Lumang Ugali.

0 comments:

Post a Comment