Image from A Priest's Stuff |
Sa isang "Catolico cerrado" lubhang nakakapagpataba ng puso't damdamin ang matinding pananampalatayang ipinamalas ng napakaraming deboto ng Itim na Nazareno. Simula nang ako'y manirahan sa distrito ng Sta. Cruz, lunsod ng Maynila, noong taong 1970 hanggang 1975, sa mga gabi bago sumapit ang mismong araw ng kapistahan ng Poong Nazareno, isa ako sa libo-libong mamamayang nakikipagsiksikan sa Plaza Miranda upang manood ng mga palabas o "stage shows". Subali't hindi ko pa naranasan sa tanang buhay ko ang sumama sa prusisyon sapagka't ayaw kong magdanas ng matinding hirap na nangyayari sa mga kalahok sa nasabing pagdiriwang ng Poong Nazareno. Sapat na sa akin ang manalangin sa simbahan ng Quiapo o manood ng ginaganap na prusisyon.
Ang pagdatal ng makabagong panahon ay nagdulot ng malawakang pagbabago sa pananaw ng mga tao tungkol sa kanilang pananalampataya o paniniwala. Sa pagsulpot ng iba't ibang grupong relihiyoso, kalungkot-lungkot marinig o mabasa ang matinding pagbatikos sa ilang doktrina o turo ng Simbahang Katoliko. Sa di matingkalang paggalang at pagmamahal na ipinamalas ng milyong-milyong deboto sa Poong Nazareno, ang karaniwang tuligsa ng mga di-Katoliko, pati ng maraming Katoliko kulang sa kaalaman, ay ang pagsamba sa mga larawan o rebulto ni Hesukristo at ng mga santo. Idolatriya ang karaniwang taguri sa pagsambang nabanggit at mahigpit na ipinagbabawal ayon na rin sa isinasaad sa Banal na Aklat o Bibliya. Sapagka't maraming iba't ibang kilos ang mga Katoliko sa pagpasok nila sa simbahan upang makinig ng Misa o kaya'y pagdarasal at pagninilay-nilay, nagiging kasangkapan ito ng mga di-Katoliko upang paigtingin ang pagpuna at pagbatikos sa Katolisismo.
Maraming Katoliko ang lumalapit sa imahen ni Kristo o ng paborito nilang santo't santa upang sa harap sila manalangin. Pagkatapos nilang manalangin, ipapahid nila sa imahen ang dalang panyo at idadampi sa sarili. Ipinapangalandakan ng mga di-Katoliko ang gawing naturan na isang tandisang pagsamba sa mga huwad na diyos-diyosan o idolo at paglabag sa kautusan ng Diyos. Di natin maikakailang may mga Katolikong kulang sa kaalaman ang dagling naniniwala at lilipat sa ibang relihiyon.
Ang mga Katoliko ay may pinakamalaking bilang sa ating bansa kaya tayo ang tampulan ng panghihikayat ng ibang pananampalataya. Ang katotohanang ito ay di ko mapapasubalian dahil dalawa sa aking mga kapatid ay humiwalay sa nakagisnang relihiyong Katoliko ng aming angkan. Iginalang ng aming mga magulang ang pagyakap ng aming mga kapatid sa ibang relihiyon at maluwag ding tinanggap ang bagay na ito ng walang anumang sama ng loob.
0 comments:
Post a Comment