Isang masaklap at nagdudumilat na katotohanan ang malawakang larawan ng matinding kahirapang tumatambad sa ating paningin kung tatahakin ang mga kalsada saan mang dako ng Metro Manila, nababasa sa mga pahayagan at naririnig o napapanood sa mga balita't talakayan sa radyo at telebisyon. Habang ako'y sakay ng pampasaherong dyip tungong Cubao, di maiwasang mamalas ang maraming pamilyang ginagawang tirahan ang tabing daan. May mga anak na nanlilimahid at naglalaro sa harap ng panganib dulot ng nagdadaang mga sasakyan. Naliligo, nagluluto ng pagkain at natutulog sa ibabaw ng mga kartong ginawang higaan, di alintana ang ingay ng mga nagdaraang sasakyan.
Ang tanawing iyan ay laganap saan mang dako dito sa Metro Manila at maaaring umiiral din sa malalaking siyudad sa buong bansa. Saan man dito sa Metro Manila, nagkalat ang mga batang lansangan at iba't ibang dahilan ang nagbunsod upang piliin nila ang ganitong buhay. Merong ulila sa magulang, napasama sa mga barkada o kaya lumayas sa kanilang tahanan dahil napagalitan. Nakakalungkot isiping marami sa mga batang lansangan ang natututong gumawa ng masama upang makakuha ng ikabubuhay. Pagnanakaw ang malimit nilang pinapasok at kung babae, ang pagbebenta ng aliw upang magkapera.
Sa kabilang dako, upang sandaling makalimot sa lupit ng dukha nilang buhay, marami sa kanila ang gumagamit ng bawal na droga. Ang mga batang lansangan ay karaniwang nagsisimula sa pagsinghot ng "solvent" o "glue" at marami sa kanila ang nagiging mandurukot o nang-aagaw ng bag para magkaroon ng perang itutustos sa kanilang bisyo. Kung sakaling sila'y mahuli ng maykapangyarihan, hindi sila mabibilanggo pag sila'y menor de edad at ilalagak sila sa pangangalaga ng Department of Social Welfare & Development (DSWD). Magkagayon man, hindi rin sila nagtatagal sa DSWD sapagka't alin man ang sila'y tumatakas o pinalabas na dahil sa kakulangan ng pondo ng gobyerno upang tustusan ang pangangailangan ng mga nasabing menor de edad. Pagbalik sila sa lansangan, mula sa pagiging mandurukot, kadalasan ay nagiging holdaper o myembro ng sindikato ng akyat bahay. Mula sa pagiging "rugby boys", nahihikayat silang maging "drug pusher" o dili kaya'y myembro ng sindikato ng magnanakaw sa bangko at ang pinakamatindi, "kidnap for ransom gang". Ang karaniwang mga batang lansangan ay lumalaking salot ng lipunan sa paglipas ng panahon.
0 comments:
Post a Comment