Tuesday, December 27, 2011

ANG BAYANIHAN SA ORAS NG KAGIPITAN - Unang Bahagi

A scene during Typhoon ONDOY
Ang kalunos-lunos na lagim na inihasik ni SENDONG sa pamayanan at mamamayan ng Cagayan de Oro, Iligan at Dumaguete ay muling umungkat sa aking mapait na karanasan nang manalasa si ONDOY sa lunsod ng Marikina lalo na sa aming tirahan sa Provident Village. Kahit na ang lalim ng bahang dulot ni SENDONG ay sinasabing humigit-kumulang sa sampung talampakan, di tulad ni ONDOY na himigit-kumulang sa dalawampung talampakan, lalong malawak at matindi ang pinsala sa mga ari-arian gayun din sa dami ng namatay at nawawalang mamamayan sa mga pook na sinalanta ni SENDONG. Magkagayon man, higit na makatao at kapuri-puri sa pangkalahatan ang kaugaliang ipinamalas ng mga mamamayang biktima ni SENDONG. Malaking kabalintunaan ng nakapanglulumong na pangyayari sa pamayanan sa Provident Village noong panahon ni ONDOY.

Nakakalungkot isiping sa unang araw na humupa ang matinding baha dulot ni ONDOY sa Provident Village ay dumagsa ang maraming tao sa aming lugar kaakibat ang iba't ibang layunin. Habang tinatahak ko ang St. Mary Avenue kung saan nakatirik ang apartment aming tinitirhan, marami akong kasabay nilusong ang gabinting putik palabas ng subdibisyon. Napansin kong may pulutong ng mga lalaking pinupulot ang mga kasangkapan na nakahambalang sa mga pader ng mga bahay na iniwan ng may-ari. 

Dahil sa kumalat na balitang muling magpapalabas ng tubig ang tatlong dam na pinapaniwalaang naging sanhi ng malubhang baha sa Provident Village, dagli kaming lumikas at nakituloy sa bahay ng kaibigan ng aking asawa doon sa Cubao, Lunsod ng Quezon. Pagkatapos ng tatlong araw, sinundo kami ng bunso kong anak na lalaki upang sa lanilang inuupahang bahay sa Bulacan pansamantalang manirahan.

Sa mga araw na nilisan muna ang Marikina, pabalik-balik ako sa Provident Village upang tingnan ang paglilinis ng aking pangalawang anak at pamangkin na lalaki sa aming tirahang binalot ng putik at basura ang ikalawang palapag. Ang una kong pagbalik sa Provident ay isang nakapanggigipuspos na tanawin ang tumambad sa aking paningin at iyon ay ang walang patumanggang pangungulimbat sa mga tahanang iniwang nakatiwangwang ng may-ari.

Lubhang kalungkutan ang sumaklob sa akin sapagka't wala ni isang alagad ng batas ang nagsasansala o nag-uusisa sa maraming kasangkapang inilalabas sa Provident. Dalawang linggong singkad na ang Provident Village ay dinagsa ng maraming mangungulimbat galing sa mga karatig bayan at mistulang mga hayok na buwitreng lumalapang ng bulok na karne. Subali't nang maraming taga-Provident ang nagreklamo sa pamahalaang lunsod ng Marikina sa nangyaring malawakang nakawan sa kanilang ari-arian, naibsan ang malawakang nakawan sapagka't nagtalaga ng maraming sundalo't pulis na sumgpo sa pamamayani ng mga magnanakaw.     .

1 comment:

  1. sorry to read this...naging biktima po pala kayo ng Ondoy!

    so this is it, na-launch na ang Tagalog blog niyo, congrats!

    merry christmas and happy new year po!

    ReplyDelete