Thursday, December 22, 2011

Ang Simbang Gabi, Noon at Ngayon

Dalawang araw na lang at Pasko na naman.  Katulad ng nakaugalian sa buong Pilipinas sa loob ng nakaraang dantaon, siyam na Simbang Gabi bago dumating ang araw ng Pasko ang ginagawa sa mga kapilya at simbahang Katoliko ng bawa't bayan at siyudad ng kapuluan. Isang kaugalian na talagang maipagmamalaki natin sa buong mundo na bukod tanging tayo lang mga Pilipino ang may tradisyong nakamulatan at patuloy na isinasakatuparan mula pa ng panahon ng mga Kastila. Namumukod tangi nga tayong ang Pilipinas lang ang nag-iisang bansa sa buong sangka-Kristianuhan na may tradisyong siyam na Simbang Gabi bago sumapit ang Kapaskuhang hindi kumupas sa makabagong panahon.

Magkagayunman, sa anim na dekadang nakalipas, hindi na mabilang na mga Paskong nagdaan sa aking buhay mula sa aking kabataan sa bayan kong pinagmulan hanggang sa paninirahan dito sa Metro Manila kasama ang aking pamilya. Sa aking pagmumuni-muni, malaking kaibahan amg napansin ko sa Simbang Gabi noon at Simbang Gabi ngayon kahit na hindi maaaring pasubalian ang layuning paghahanda ng puso't kaluluwa ng mga debotong Katoliko sa pag-aalaala sa pagsilang ng Mesiyas sa araw ng Pasko.

Noon, ang mga nagsisimba ay nagsusuot ng kanilang pinakamagarang damit at pawang nakasapatos na balat o de goma. Ngayon, nakakalungkot tanggapin at masdan ang maraming Katolikong nakasuot pambahay o kundi man kasuutang akma lamang sa pagdalo sa kasayahan at hindi sa simbahan. Higit na kapuri-puri ang mga di-Katoliko sapagka't lahat sila'y nakabihis na angkop sa tahanan ng pananalampataya.

Ang aking pananaw ay sinusugan kamakailan lang ng panawagan ng bagong katatalagang Arsobispo Luis Antonio Tagle ng Archdiyosesis ng Maynila na humihimok sa mga debotong iwasan ang mga kasuotang kaakit-akit at mapanukso. Sinambit pa ni Arsobispo Tagle na huwag gamitin ang Simbang Gabi bilang tagpuan ng magkasintahan sa kanilang pag-uulayaw o dahilan sa pamamasyal. Kalungkot-lungkot man ang pangyayaring nakatawag ng pansin ng Arsobispo, hindi maitatangging dulot ito ng makabagong panahon bagama't hindi ito katanggap-tanggap sa higit na nakakaraming mga debotong Katoliko.

Ito ang Simbang Gabi, Noon at Ngayon sa aking pananaw na pinairal ng anim na dekada ng buhay. Ano naman ang inyong pananaw sa ating kaugaliang ito? Maligayang Pasko sa inyong lahat!

0 comments:

Post a Comment