Noong kabataan ko sa bayang kinamulatan na nasa bulubunduking lalawigan ng Laguna, nagisnan ko ang koleksyon ng mga babasahing Tagalog ng aking mga tiyuhing nakatira sa kumbento. Ang kura paroko noon sa aming bayan ay ang paring Katolikong umampon sa aking tatay at tatlong tiyuhin noong nag-aaral pa sila sa paaralang elementarya ng kalapit-bayang kanilang sinilangan.
Nang ilipat ng parokya ang pari sa aming bayan, kasama ang apat na magkakapatid at dito na nakapag-asawa ang tatlo sa kanila. Nang matuto akong bumasa't sumulat, nakahiligan kong halungkatin ang mga komiks at magasing Tagalog na iniipon ng aking mga tiyuhin. Walang sawa kong binabasa ang Pilipino Komiks, Hiwaga Komiks, Espesyal Klasiks at Tagalog Klasiks at Bulaklak at Liwayway Magasin. Doon ko nakilala sina Nemesio Caravana at Mars Ravelo na bukod-tanging nanatili sa aking isipan hanggang sa mga sandaling ito.
Sa maraming taon kong ginugugol sa haiskul sa seminaryo at sa panahong kasa-kasama ako ng isa pang paring Katoliko, sinubukan kong sumulat ng tula. Nguni't hindi tumama sa aking panlasa sapagka't higit na angkop sa aking kakayahan ang sumulat ng sanaysay. Kahit sa panliligaw, kailan man ay hindi ako lumiham sa Tagalog. Mayabang ako sa panliligaw dahil wikang Ingles ang ginagamit ko sa mga liham sa mga nililigawan ko. Kaya lang, wala akong naging kasintahan sa mga liham kong ginawa sa kadahilanang lubhang nayayabangan ang aking mga nililigawan. Kasuklam-suklam baga ang palagay nila sa akin.
Kaya, malaki ang aking pasasalamat sa aking kaibigang si ED ZAFRA na humimok sa aking subukang makihalubilo sa daigdig ng "BLOGGING" at matiyagang gumabay sa aking kadahupan sa kaalaman sa Internet at masalimuot na Cyberspace. Magmula sa sinimulan kong Blog na FROM MY VIEWPOINT, ngayon pumapalaot ang bago kong Blog sa Tagalog na LAKBAY-DIWA SA LAHAT NG PANAHON. Sana'y tuloy-tuloy kong linangin ang kinakalawang kong isipan upang maisatitik ang mga alimuom na magsisiksikan sa aking utak araw-araw na pinagpala ng Poong Maykapal.

Maraming salamat sa pagbanggit mo sa akin. Nais kitang batiin sa paglulunsad mo sa blog na ito.
ReplyDelete