BUKOD sa maraming pamilyang naninirahan sa ilalim ng tulay, sa tabing daan at nagsisiksikan sa mga bakanteng lote, di mabilang ang lumilisan sa sinilangang bayan upang magbakasakaling humanap ng kapalaran sa magulong lunsod at bayan sa Metro Manila. Ang ganitong sitwasyon ay nagsisimula sa samut'saring istoryang may gintong napupulot sa mga kalye ng Maynila.
Ganito ang karaniwang nangyayari kapag may kumalat na balitang umuwi sa bayang kinamulatan ang isang lalaki (babae sa ibang istorya) na magara ang damit at nangingislap ang katawan sa suot na alahas. Sa umpukan kasama ang mga kababata't kakilala, bumabaha ang alak (gin, basi o lambanog, sa mga nakaraang dekada, di pa uso ang serbesa o beer) at pulutang kalderetang aso.