Friday, February 10, 2012

ANG PILIPINAS SA KUMUNOY NG KAHIRAPAN, MAKAAHON KAYA? - Ikatlong Yugto

Sa mahigit na anim na dekada ng aking buhay, masasabi kong malawak na ang aking karanasan at kaalaman upang mailahad ko ayon sa aking pananaw ang mga ugat ng kahirapan at kahahantungan sa hinaharap. Ayon sa ating kasaysayan, ang ilang daang taon ng Pilipinas sa pananakop ng mga Kastila ang nagpasimula ng pagmamay-ari sa mga malalawak na lupain sa maraming dako ng kapuluan ng ilang pamilya at ng iba't ibang samahang relihiyoso ng Simbahang Katoliko. Ito ang tinaguriang hacienda at ang mga may-ari ay tinawag na hacendero

Maraming ektarya ng lupain sa iba't ibang dako ng ating bansa ang ipinagkaloob ng panahalaang Kastila bilang pabuya sa matapat na paglilingkod ng ilang mestisong Pilipino. Marami ding ektarya ang ibinigay sa pagmamay-ari ng mga samahang relihiyoso tulad ng mga Franciscano, Augustinian at iba pa bilang kabayaran sa kanilang pamumuno sa mga pamayanan. Noong panahon ng Kastila sa ating bansa, maraming paring Katoliko ang itinalagang pinuno o gobernadorcillo ng mga pamayanan. Lupain din ang naging kabayaran sa kanilang paglilingkod sa pamahalaang Kastila.

Ang mga haciendang ito ay kalimitang ginagamit na sakahan o taniman ng tubo, palay, mais, gulay o niyog. Ang mga pamilyang naninirahan sa mga hacienda ang nagbubungkal, nagtatanim at nag-aani ng mga pananim. Ang malaking bahagi ng ani ay napupunta sa may-ari ng hacienda at ang karampot na bahagi ay pinagtitiyagaan ng mga kasama para sa kanilang kabuhayan. 

Sa ganitong dukhang pamumuhay, marami sa kanila ay isinilang na dukha't mangmang, nabuhay na walang pagbabago at namatay sa nagisnang kalagayan. Sa mga pamilyang naghahangad ng pagbabago at magandang kinabukasan, maraming anak ang pinapayagang hanapin ang kanilang kapalaran sa ibang lugar. 

Ang Maynila at karatig pook nito ang karaniwang puntahan ng mga nilalang galing sa lalawigan simula pa ng panahon ng mga Kastila hanggang sa kasalukuyang panahong pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sapagka't ang Maynila ay sentro ng pamahalaan at kalakalan kaya dito dumadayo kahit na ang mga manggagawa sa mga hacienda lalo na't mababa ang halaga ng asukal na karaniwang inaangkat ng mga mangangalakal mula sa ibang bansa.

Namulat ako noong dekada Singkuenta at Sisenta sa aming bayan sa Laguna na maalwan pa ang hanapbuhay at pamumuhay ng mga taong umaasa lamang sa pagniniyog at paglala ng banig, bag at sombrero mula sa dahon ng pandan. Mura pa noon ang mga bilihin at simple pa ang pamumuhay sapagka't tanging radyo lang ang karaniwang pinanggagalingan ng mga balita at libangang drama o komedya. Hindi pa uso noon ang telebisyon dahil noong dekadang Sisenta lang ito sumipot. 

Ang panonood ng libreng pelikula ng mga kumpanyang nagbebenta ng iba't ibang produkto tulad ng gamot, alak o inuming pamatid-uhaw ay isang okasyong dinarayo ng mga mamamayan sa liwasang bayan. Kahit na may sinehan sa aming bayan, tuwing Sabado at Linggo lang nagpapalabas ng pelikulang Tagalog. Subali't bihira akong makapanood sapagka't kalimitang wala akong pera pampanood ng sine. 

Walo kaming magkakapatid kaya malaking kabawasan sa aming pangangailangan sa araw-araw ang perang gagamitin lang sa sine. Nang magkaroon ako ng pagkakataong mag-aral sa seminaryo, di man ako nakatapos ng pag-aaral dahil sa mahinang pangamgatawan, ito naman ang nagbigay-daan upang hanapin ko ang aking kapalaran sa lungsod tulad ng maraming kabataan iniwan ang pamilya at nangangarap ng magandang kinabukasan.

0 comments:

Post a Comment