Sunday, May 20, 2012

ANG PILIPINAS SA KUMUNOY NG KAHIRAPAN, MAKAAHON KAYA? - Ikaapat na Yugto

Masasabi kong napakapalad ang isang hamak na probinsyano na bahagyang nakarating ng isang semestre sa kolehiyo sapagka't nagkaroon ng isang kamag-anak na presidente ng isang bangko ng pamahalaan.  Siya ang nagrekomenda sa akin upang magkaroon ng trabaho sa isang kumpanyang nasa pangangalaga ng bangko pagkatapos ng ilang buwang pamamasukan sa unang kumpanya sa tulong ng isang kababayang kaibigan ng aking kamag-anak.  Dekadang sitenta, mapalad ako at ang iba kong kamag-anak at kababayan sa pagkakataong ibinigay ng nasabing presidente ng bangko na magtrabaho sa isang plantang nakatayo sa bayan noon ng Taguig, sakop pa ng lalawigan ng Rizal.  Dahil sa matatag kong hanapbuhay noon, nagkaroon ako ng sariling pamilya at nakatuntong ng kolehiyo sa lunsod ng Maynila.  Kahit na ibinaba na ang batas militar ng noo'y Pangulong Marcos, madali pang makakuha ng magandang trabaho.  Hindi mapapasubaliang sa dekadang ito nagsisimulang mahikayat ang maraming Pilipino na mangibang bansa, lalo na sa Gitnang Silanganan.  Maraming bansang Arabe ang nakatuklas ng mina ng langis sa malawak nilang lupain, disyerto man ito, kaya nangailangan sila ng maraming manggagawang dayuhan.  Minsan din narahuyo akong subukang maghanap ng trabaho sa Gitnang Silanganan, subali't nang malaman kong 500 dolyares isang buwan ang magiging sahod, kinalimutan ko na ang pangingibang bansa.  Naisip kong sapat naman ang aking kinikita dito sa Pilipinas kaya hindi ko na ipinagpatuloy ang paghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Sa unang mga taon ng dekadang otsenta,  masasabing maalwan pa ang pamumuhay dito sa ating bansa at marami pang trabaho para sa mga taong nasisiyahan pang mamuhay kapiling ng mga minamahal.  Hindi maikakailang nagsimula na ang tinatawag na "Filipino Diaspora" sapagka't lubhang nakakarahuyo ang kitang triple sa ibang bansa kung ikukumpara dito.  Kahit na nagsimula ang malawak na kaguluhan sa ating bansa dulot ng lantarang pagpatay kay Ninoy Aquino hanggang mapatalsik sa kapangyarihan ang diktaduryang Marcos at mailuklok sa Malacanang si Cory Aquino, sapat pa rin ang magandang hanapbuhay sa mga kababayang simple lang ang pamumuhay at hindi naghahangad ng higit pa.  Mapalad naman ako dahil ang kumpanyang aking pinapasukan ay "geotechnical investigation for foundation design" o pagsusuri ng lupa para sa disenyo ng mga gusali, tulay at mga daang bago itayo.  Andito pa noon ang mga base militar ng mga Amerikano kaya marami kaming kontratang nakukuha sa mga arkitekto't inhenyerong may mga proyekto sa noo'y Clark Air Base, Subic Naval Base at Camp John Hay.  Nang magbitiw ako sa nasabing kumpanya, sapat na ang aking karanasan at kaalaman upang makakuha ng sariling kontrata sa mga base militar ng Amerikano sa tulong ng mga arkitekto at inhenyero nakilala ko..  

2 comments:

  1. Unemployed Pinoys can earn while enjoying time with their family and loveones.
    Unemployed is Brave and a choice to be a Freeman.
    Join us today at http://www.unemployedpinoys.com

    ReplyDelete
  2. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    ReplyDelete