Tuesday, January 31, 2012

ANG PILIPINAS SA KUMUNOY NG KAHIRAPAN, MAKAAHON KAYA? - Ikalawang Yugto

BUKOD sa maraming pamilyang naninirahan sa ilalim ng tulay, sa tabing daan at nagsisiksikan sa mga bakanteng lote, di mabilang ang lumilisan sa sinilangang bayan upang magbakasakaling humanap ng kapalaran sa magulong lunsod at bayan sa Metro Manila. Ang ganitong sitwasyon ay nagsisimula sa samut'saring istoryang may gintong napupulot sa mga kalye ng Maynila.

Ganito ang karaniwang nangyayari kapag may kumalat na balitang umuwi sa bayang kinamulatan ang isang lalaki (babae sa ibang istorya) na magara ang damit at nangingislap ang katawan sa suot na alahas. Sa umpukan kasama ang mga kababata't kakilala, bumabaha ang alak (gin, basi o lambanog, sa mga nakaraang dekada, di pa uso ang serbesa o beer) at pulutang kalderetang aso.

Para siyang guro sa gitna ng mga estudyante habang isinalaysay ang kanyang magandang karanasan sa Maynila. (Noon, di pa uso ang bansag na Metro Manila at ang mga bayang nakapaligid sa lunsod ng Maynila ay bahagi rin ng Maynila ang palasak na turing.) Pag-alis ng bida sa ating kwento upang bumalik ng Maynila, kalimitan may sumasamang gusto ring makipagsapalaran sa magulong lunsod. 

Pangkaraniwan na ang isang bagong salta sa Maynila ay napapatunganga sa naiibang kapaligirang tumambad sa kanyang paningin tulad din sa aking karanasan noong isama ako ng Tatay ko ng dekadang 1950's. Samantala, ang ating bida ay isasama ang kanyang kababata o kababayan sa inuuwian nyang maliit na kuarto sa isang paupahang apartment nasa isang masikip na distrito ng lungsod. Kaakibat ang pagtatakang tatanungin ang ating bida kung bakit doon siya nakatira, kabalintuna ng karangyaang ipinamalas sa pagdalaw niya sa bayang sinilangan. 

Siyempre, sasabihin niya ang katotohanang naghabi lang siya ng kasinungalingan huwag lang mapahiya sa mga kamag-anak at kababayang umaasa sa kanyang matagumpay na pakikipagsapalaran sa lunsod. Malalantad din ang katotohanang isa lang siyang karaniwang peon sa konstruksyon o kaya'y kargador sa pier at hindi isang matagumpay na negosyante o pinuno ng isang malaking kompanya. 

Ang ganitong senaryo ay nauulit ng daang libong beses mula pa ng dekadang 1950's hanggang kasalukuyan subali't hindi lang sa Metro Manila dumadagsa ang ganitong mga taong naghahanap ng pagbabago sa buhay kundi pati na sa mga mauunlad na lunsod sa buong kapuluan. Ito rin ang dahilan ng pagdami ng mga lugar ng squatter na kalimitang ginagamit ng maraming pulitiko sa pananatili sa kapangyarihan sa pamahalaan.  

0 comments:

Post a Comment