Tuesday, January 17, 2012

ANG PILIPINO SA HARAP NG ITIM NA NAZARENO - Unang Bahagi

Image from A Priest's Stuff
Sa isang "Catolico cerrado" lubhang nakakapagpataba ng puso't damdamin ang matinding pananampalatayang ipinamalas ng napakaraming deboto ng Itim na Nazareno. Simula nang ako'y manirahan sa distrito ng Sta. Cruz, lunsod ng Maynila, noong taong 1970 hanggang 1975, sa mga gabi bago sumapit ang mismong araw ng kapistahan ng Poong Nazareno, isa ako sa libo-libong mamamayang nakikipagsiksikan sa Plaza Miranda upang manood ng mga palabas o "stage shows". Subali't hindi ko pa naranasan sa tanang buhay ko ang sumama sa prusisyon sapagka't ayaw kong magdanas ng matinding hirap na nangyayari sa mga kalahok sa nasabing pagdiriwang ng Poong Nazareno. Sapat na sa akin ang manalangin sa simbahan ng Quiapo o manood ng ginaganap na prusisyon.

Sunday, January 8, 2012

BAGONG TAON, LUMANG UGALI?!!!

Imahe mula sa The EQualizer Post
Sa mga araw bago sumapit ang pinakahihintay na Bagong Taon ng halos lahat ng mga nilalang sa buong santinakpan, palasak na tampok ng mga usapan at lathalain sa radyo, telebisyon, pahayagan at magasin kung anong mga pagbabago ang gagawin ng isang tao sa pagsapit ng Bagong Taon. Ito ang paborito ng balana sa wikang Ingles na "New Year's Resolution" at walang sinumang mangangalandakang hindi niya kailangan ito. Wika nga sa isa pang kasabihang Ingles: "Nobody's perfect"! kaya lahat ay may "New Year's Resolution" nakatatak sa isipan o nakatitik sa papel, lalo na sa mga estudyante.

Sumasagi nga sa isip ko ang panahon ng aking pag-aaral sa hayskul at kolehiyo na sa araling Ingles at Pilipino, ay hindi kailan man nakakalimutan ng mga guro o propesor na pagawin ang mga estudyante ng "essay" o sanaysay ng kanilang "New Year's Resolution. Naturalmente, pilit hinahalukay ang laman ng utak upang makasulat ng sanaysay na papasa sa panlasa ng gurong magbibigay ng angkop na grado. Subali't sa ngayon ay di ko alam kung uso pa ring pasulatin ang mga estudyante ng kanilang "New Year's Resolutions".


Tuesday, January 3, 2012

ANG BAYANIHAN SA ORAS NG KAGIPITAN - Huling Bahagi

A scene during Typhoon SENDONG
Kung naglipana ang mga magnanakaw sa Provident Village noong hagupitin ni ONDOY ang Marikina, kabalintuna namang walang lumabas na ganitong ulat sa mga pahayagan, radyo at telebisyon tungkol sa pananamantala sa mga biktima ni SENDONG sa mga lungsod ng Cagayan de Oro, Iligan at Dumaguete. Kahit na higit ang pananalasang sumaklot sa mga nasabing lugar, sadyang kapuri-puri ang katotohanang iginalang ng mga balakyot ang dusa't hirap na iniinda ng mga nasalanta ni SENDONG.

Magkagayon man, nangingibabaw ang namumukod tanging katangian ng mga Pilipinong maipagmamalaki sa buong mundo ang walang kapantay na bayanihan na umiiral sa oras ng sakuna at kagipitan. Ang katotohanang iyan ang nagligtas sa aming mag-asawa mula sa tiyak na kamatayan nang ang apartment aming tirahan sa Provident Village ay daluhungin ng rumaragasang dalawampung talampakang baha. Sa tulong ng aming mga kapitbahay, inilikas kami sa bahay na may tatlong palapag ng isa pang kapitbahay.