Tuesday, January 31, 2012

ANG PILIPINAS SA KUMUNOY NG KAHIRAPAN, MAKAAHON KAYA? - Ikalawang Yugto

BUKOD sa maraming pamilyang naninirahan sa ilalim ng tulay, sa tabing daan at nagsisiksikan sa mga bakanteng lote, di mabilang ang lumilisan sa sinilangang bayan upang magbakasakaling humanap ng kapalaran sa magulong lunsod at bayan sa Metro Manila. Ang ganitong sitwasyon ay nagsisimula sa samut'saring istoryang may gintong napupulot sa mga kalye ng Maynila.

Ganito ang karaniwang nangyayari kapag may kumalat na balitang umuwi sa bayang kinamulatan ang isang lalaki (babae sa ibang istorya) na magara ang damit at nangingislap ang katawan sa suot na alahas. Sa umpukan kasama ang mga kababata't kakilala, bumabaha ang alak (gin, basi o lambanog, sa mga nakaraang dekada, di pa uso ang serbesa o beer) at pulutang kalderetang aso.

Friday, January 27, 2012

ANG PILIPINAS SA KUMUNOY NG KAHIRAPAN, MAKAAHON PA KAYA? - Unang Yugto

Isang masaklap at nagdudumilat na katotohanan ang malawakang larawan ng matinding kahirapang tumatambad sa ating paningin kung tatahakin ang mga kalsada saan mang dako ng Metro Manila, nababasa sa mga pahayagan at naririnig o napapanood sa mga balita't talakayan sa radyo at telebisyon. Habang ako'y sakay ng pampasaherong dyip tungong Cubao, di maiwasang mamalas ang maraming pamilyang ginagawang tirahan ang tabing daan. May mga anak na nanlilimahid at naglalaro sa harap ng panganib dulot ng nagdadaang mga sasakyan. Naliligo, nagluluto ng pagkain at natutulog sa ibabaw ng mga kartong ginawang higaan, di alintana ang ingay ng mga nagdaraang sasakyan.  

Ang tanawing iyan ay laganap saan mang dako dito sa Metro Manila at maaaring umiiral din sa malalaking siyudad sa buong bansa. Saan man dito sa Metro Manila, nagkalat ang mga batang lansangan at iba't ibang dahilan ang nagbunsod upang piliin nila ang ganitong buhay. Merong ulila sa magulang, napasama sa mga barkada o kaya lumayas sa kanilang tahanan dahil napagalitan. Nakakalungkot isiping marami sa mga batang lansangan ang natututong gumawa ng masama upang makakuha ng ikabubuhay. Pagnanakaw ang malimit nilang pinapasok at kung babae, ang pagbebenta ng aliw upang magkapera.

Tuesday, January 17, 2012

ANG PILIPINO SA HARAP NG ITIM NA NAZARENO - Unang Bahagi

Image from A Priest's Stuff
Sa isang "Catolico cerrado" lubhang nakakapagpataba ng puso't damdamin ang matinding pananampalatayang ipinamalas ng napakaraming deboto ng Itim na Nazareno. Simula nang ako'y manirahan sa distrito ng Sta. Cruz, lunsod ng Maynila, noong taong 1970 hanggang 1975, sa mga gabi bago sumapit ang mismong araw ng kapistahan ng Poong Nazareno, isa ako sa libo-libong mamamayang nakikipagsiksikan sa Plaza Miranda upang manood ng mga palabas o "stage shows". Subali't hindi ko pa naranasan sa tanang buhay ko ang sumama sa prusisyon sapagka't ayaw kong magdanas ng matinding hirap na nangyayari sa mga kalahok sa nasabing pagdiriwang ng Poong Nazareno. Sapat na sa akin ang manalangin sa simbahan ng Quiapo o manood ng ginaganap na prusisyon.