Tuesday, December 27, 2011

ANG BAYANIHAN SA ORAS NG KAGIPITAN - Unang Bahagi

A scene during Typhoon ONDOY
Ang kalunos-lunos na lagim na inihasik ni SENDONG sa pamayanan at mamamayan ng Cagayan de Oro, Iligan at Dumaguete ay muling umungkat sa aking mapait na karanasan nang manalasa si ONDOY sa lunsod ng Marikina lalo na sa aming tirahan sa Provident Village. Kahit na ang lalim ng bahang dulot ni SENDONG ay sinasabing humigit-kumulang sa sampung talampakan, di tulad ni ONDOY na himigit-kumulang sa dalawampung talampakan, lalong malawak at matindi ang pinsala sa mga ari-arian gayun din sa dami ng namatay at nawawalang mamamayan sa mga pook na sinalanta ni SENDONG. Magkagayon man, higit na makatao at kapuri-puri sa pangkalahatan ang kaugaliang ipinamalas ng mga mamamayang biktima ni SENDONG. Malaking kabalintunaan ng nakapanglulumong na pangyayari sa pamayanan sa Provident Village noong panahon ni ONDOY.

Thursday, December 22, 2011

Ang Simbang Gabi, Noon at Ngayon

Dalawang araw na lang at Pasko na naman.  Katulad ng nakaugalian sa buong Pilipinas sa loob ng nakaraang dantaon, siyam na Simbang Gabi bago dumating ang araw ng Pasko ang ginagawa sa mga kapilya at simbahang Katoliko ng bawa't bayan at siyudad ng kapuluan. Isang kaugalian na talagang maipagmamalaki natin sa buong mundo na bukod tanging tayo lang mga Pilipino ang may tradisyong nakamulatan at patuloy na isinasakatuparan mula pa ng panahon ng mga Kastila. Namumukod tangi nga tayong ang Pilipinas lang ang nag-iisang bansa sa buong sangka-Kristianuhan na may tradisyong siyam na Simbang Gabi bago sumapit ang Kapaskuhang hindi kumupas sa makabagong panahon.

Friday, December 16, 2011

Ang Pangarap Kong Maging Manunulat

Noong kabataan ko sa bayang kinamulatan na nasa bulubunduking lalawigan ng Laguna, nagisnan ko ang koleksyon ng mga  babasahing Tagalog ng aking mga tiyuhing nakatira sa kumbento. Ang kura paroko noon sa aming bayan ay ang paring Katolikong umampon sa aking tatay at tatlong tiyuhin noong nag-aaral pa sila sa paaralang elementarya ng kalapit-bayang kanilang sinilangan.

Nang ilipat ng parokya ang pari sa aming bayan, kasama ang apat na magkakapatid at dito na nakapag-asawa ang tatlo sa kanila. Nang matuto akong bumasa't sumulat, nakahiligan kong halungkatin ang mga komiks at magasing Tagalog na iniipon ng aking mga tiyuhin. Walang sawa kong binabasa ang Pilipino Komiks, Hiwaga Komiks, Espesyal Klasiks at Tagalog Klasiks at Bulaklak at Liwayway Magasin. Doon ko nakilala sina Nemesio Caravana at Mars Ravelo na bukod-tanging nanatili sa aking isipan hanggang sa mga sandaling ito.