Masasabi kong napakapalad ang isang hamak na probinsyano na bahagyang nakarating ng isang semestre sa kolehiyo sapagka't nagkaroon ng isang kamag-anak na presidente ng isang bangko ng pamahalaan. Siya ang nagrekomenda sa akin upang magkaroon ng trabaho sa isang kumpanyang nasa pangangalaga ng bangko pagkatapos ng ilang buwang pamamasukan sa unang kumpanya sa tulong ng isang kababayang kaibigan ng aking kamag-anak. Dekadang sitenta, mapalad ako at ang iba kong kamag-anak at kababayan sa pagkakataong ibinigay ng nasabing presidente ng bangko na magtrabaho sa isang plantang nakatayo sa bayan noon ng Taguig, sakop pa ng lalawigan ng Rizal. Dahil sa matatag kong hanapbuhay noon, nagkaroon ako ng sariling pamilya at nakatuntong ng kolehiyo sa lunsod ng Maynila. Kahit na ibinaba na ang batas militar ng noo'y Pangulong Marcos, madali pang makakuha ng magandang trabaho. Hindi mapapasubaliang sa dekadang ito nagsisimulang mahikayat ang maraming Pilipino na mangibang bansa, lalo na sa Gitnang Silanganan. Maraming bansang Arabe ang nakatuklas ng mina ng langis sa malawak nilang lupain, disyerto man ito, kaya nangailangan sila ng maraming manggagawang dayuhan. Minsan din narahuyo akong subukang maghanap ng trabaho sa Gitnang Silanganan, subali't nang malaman kong 500 dolyares isang buwan ang magiging sahod, kinalimutan ko na ang pangingibang bansa. Naisip kong sapat naman ang aking kinikita dito sa Pilipinas kaya hindi ko na ipinagpatuloy ang paghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Sa unang mga taon ng dekadang otsenta, masasabing maalwan pa ang pamumuhay dito sa ating bansa at marami pang trabaho para sa mga taong nasisiyahan pang mamuhay kapiling ng mga minamahal. Hindi maikakailang nagsimula na ang tinatawag na "Filipino Diaspora" sapagka't lubhang nakakarahuyo ang kitang triple sa ibang bansa kung ikukumpara dito. Kahit na nagsimula ang malawak na kaguluhan sa ating bansa dulot ng lantarang pagpatay kay Ninoy Aquino hanggang mapatalsik sa kapangyarihan ang diktaduryang Marcos at mailuklok sa Malacanang si Cory Aquino, sapat pa rin ang magandang hanapbuhay sa mga kababayang simple lang ang pamumuhay at hindi naghahangad ng higit pa. Mapalad naman ako dahil ang kumpanyang aking pinapasukan ay "geotechnical investigation for foundation design" o pagsusuri ng lupa para sa disenyo ng mga gusali, tulay at mga daang bago itayo. Andito pa noon ang mga base militar ng mga Amerikano kaya marami kaming kontratang nakukuha sa mga arkitekto't inhenyerong may mga proyekto sa noo'y Clark Air Base, Subic Naval Base at Camp John Hay. Nang magbitiw ako sa nasabing kumpanya, sapat na ang aking karanasan at kaalaman upang makakuha ng sariling kontrata sa mga base militar ng Amerikano sa tulong ng mga arkitekto at inhenyero nakilala ko..
Lakbay-Diwa Sa Lahat Ng Panahon
Sunday, May 20, 2012
Friday, February 10, 2012
ANG PILIPINAS SA KUMUNOY NG KAHIRAPAN, MAKAAHON KAYA? - Ikatlong Yugto
Sa mahigit na anim na dekada ng aking buhay, masasabi kong malawak na ang aking karanasan at kaalaman upang mailahad ko ayon sa aking pananaw ang mga ugat ng kahirapan at kahahantungan sa hinaharap. Ayon sa ating kasaysayan, ang ilang daang taon ng Pilipinas sa pananakop ng mga Kastila ang nagpasimula ng pagmamay-ari sa mga malalawak na lupain sa maraming dako ng kapuluan ng ilang pamilya at ng iba't ibang samahang relihiyoso ng Simbahang Katoliko. Ito ang tinaguriang hacienda at ang mga may-ari ay tinawag na hacendero.
Maraming ektarya ng lupain sa iba't ibang dako ng ating bansa ang ipinagkaloob ng panahalaang Kastila bilang pabuya sa matapat na paglilingkod ng ilang mestisong Pilipino. Marami ding ektarya ang ibinigay sa pagmamay-ari ng mga samahang relihiyoso tulad ng mga Franciscano, Augustinian at iba pa bilang kabayaran sa kanilang pamumuno sa mga pamayanan. Noong panahon ng Kastila sa ating bansa, maraming paring Katoliko ang itinalagang pinuno o gobernadorcillo ng mga pamayanan. Lupain din ang naging kabayaran sa kanilang paglilingkod sa pamahalaang Kastila.
Tuesday, January 31, 2012
ANG PILIPINAS SA KUMUNOY NG KAHIRAPAN, MAKAAHON KAYA? - Ikalawang Yugto
BUKOD sa maraming pamilyang naninirahan sa ilalim ng tulay, sa tabing daan at nagsisiksikan sa mga bakanteng lote, di mabilang ang lumilisan sa sinilangang bayan upang magbakasakaling humanap ng kapalaran sa magulong lunsod at bayan sa Metro Manila. Ang ganitong sitwasyon ay nagsisimula sa samut'saring istoryang may gintong napupulot sa mga kalye ng Maynila.
Ganito ang karaniwang nangyayari kapag may kumalat na balitang umuwi sa bayang kinamulatan ang isang lalaki (babae sa ibang istorya) na magara ang damit at nangingislap ang katawan sa suot na alahas. Sa umpukan kasama ang mga kababata't kakilala, bumabaha ang alak (gin, basi o lambanog, sa mga nakaraang dekada, di pa uso ang serbesa o beer) at pulutang kalderetang aso.
Labels:
Kasalukuyan,
Kaugalian
Location:
Marikina City, Philippines
Subscribe to:
Posts (Atom)